Problemado ako ngayon dahil may isang bagay na buong araw ko ng iniisip kung paano ko magagawan ng paraan at hanapan ng solusyon.
Noong isang araw, may natanggap akong sulat. Nakalagay ito sa isang puting sobre at mukang pormal talaga ang nilalaman nito. Napa isip ako saglit kung bakit may sulat akong dumating na di ko naman inaasahan. Inisip ko na baka ito na ang sagot ni Santa sa sulat ko noong bata pa ako. Syempre magpapasko na naman, at baka sa dami ng tambak na sulat na natatanggap niya kada taon e ngayon lang niya nabasa ang sulat ko matapos ang mahaba habang taon. Tinignan kong mabuti ang sobre, may nakalagay na Business Mail Permit Number at First Class Mail.
Tinignan ko kung saan ito galing at walang nakalagay na pangalan. Ang tanging nandun lang ay ang address kung sino man ang nagpadala nito. Hindi ito galing North Pole kaya malabong kay Santa galing ito, sayang naman, hindi pa rin siguro nababasa ni Santa ang sulat ko nung bata pa ako kaya hindi pa siya sumasagot.
Well, balik sa sulat, ang nakalagay sa sobre kung saan galing ang mahiwagang sulat na ito ay naka-address sa isang building sa West Avenue sa kusyi. Napa-isip na naman ako, kasi sigurado akong wala akong kakilalang tiga west ave na pwedeng sumulat sa kin.
Agad kong binuksan ang sobre para mawala na ang aking curiosity kung anong nilalaman nito at doon ko nalaman na galing pala ito sa opisina ng dati kong pinag-pamiyembruhan na gym noong isang taon na halos dalawang buwan ko lang ata napakinabangan ang membership ko dun at pinaka-cancel ko din naman agad ang aking pagsali dahil sayang naman ang binabayaran ko kung bihira lang din naman ako makapag-gym dahil sa higpit ng schedule ko noon. Masyado lang kasi makulit yung nagpapasali sa kin dun noon kaya naengganyo akong sumali, at syempre dahil na din sa gusto kong magkaroon ng libreng bag, tumbler, head set at tuwalya na may tatak ng gym na yun na makukuha ko din agad sa oras na nagpamember ako kaya sumali na din ako. hehe
Laking gulat ko ng mabasa ko ang kabuuan ng sulat dahil nakasaad doon na meron pa daw akong mahigit limang libo na dapat bayaran sa kanila. Lintek na! Paano nangyari yun? E sa dalawang buwan na member ako sa gym na yun e sigurado akong bayad ako sa tamang oras at sa tamang halaga ng dapat bayaran. Kaya kung meron pa akong mahigit limang libo na dapat bayaran ay lumalabas na apat na buwan akong member doon sa gym na yun. Samantalang kalagitnaan palang ng pangalawang buwan ko doon ay binigay ko na yung sulat na magka-cancel na ko ng membership ko para sa susunod na buwan at tatapusin ko na lang yung pangalawang buwan ko bilang member sa kanila. Naku naman! Hindi ko na kasalanan kung pina-abot pa nila ng apat na buwan ang membership ko bago nila ito kanselhin dahil hindi ako magbabayad ng higit limang libo para sa bagay na hindi ko naman napainabangan. Hindi rin biro yung higit limang libo na yun no.
Pero hindi yan ang pinoproblema ko buong araw. Intro lang yan. Pinahaba ko lang kasi maikli lang naman talaga isusulat ko tungkol sa bumabagabag sa kin buong araw.
Ito talaga ang gusto kong hanapan ng solusyon. Paano ba tanggalin ang pagsusubscribe sa rss feeds sa blog? Kasi yung sinubscribe kong blog e nagpapakita doon sa gadget sa side bar ng desktop ng laptop na gamit ko at lumalabas lahat dun yung sinubscribe ko kada may bagong post ung blog na pinagsubscriban ko. Nagsearch ako kung paano mag-unsubscribe pero wala akong nahanap na sagot. Kaya kung meron mang nakaka-alam kung paano mag-unsubscribe sa rss e pakitulungan naman ako. PLEASE!!!
Haay! Kung totoo lang talaga si Santa ay baka isinulat ko na at itinanong sa kanya kung paano mag-unsubscribe sa rss, dahil malay ko ba, baka sakaling alam niya ang sagot at matulungan ako.