Naging sobrang busy ng weekend na nagdaan. Madaming mga bagay na nangyari at talaga namang masaya sobra.
Gaya ng nakasanayan wala na naman ako sa bahay buong weekend. Para sa akin ang weekend ay ang panahon kung kelan pwede talga akong mag-enjoy at kalimutan muna lahat ng bagay na nangyari sa buong linggo at wag muna mag-isip ng mga bagay ng mangyayari sa susunod na linggo.
Noong sabado ay um-attend ako ng Christmas Party ala Las Vegas ng Sykes Asia sa SMX Convention Center ng MOA. Inimbita ako ng mga kaibigan ko at syempre ng aking pinakamamahal na nagtatrabaho sa Sykes. Masaya ang buong party. Madaming mga pagkain at libreng beer at iba't iba pang inumin na nakakalasing man o hindi. Napakaraming tao noong gabing yun at ang iba ay nakacustome pa ng pang las vegas at nakaka-aliw silang tignan.
Nakita ko din doon ang bandang Bamboo na halos lahat na ng kanta nila tinugtog na nila, andun din ang mga seksing Kitty Girls, dagdagan mo pa ng mga nagdadamihang showgirls at showgays na feeling mo talaga ay nasa Las Vegas ka dahil sa husay nilang mag-perform, at syempre ang mga host na sina Luis Manzano at ang supah sexy, bubbly, witty, funny, and pretty Asia Agcaoili.
Talaga namang napakasaya ng gabing yun at nag-enjoy talaga ako ng sobra. Pero ang pinaka-highlight ng gabing yun ay ang pagkapanalo ng team ng aking pinakamamahal sa competition ng Las Vegas performance nila. Masaya talga ako para sa knila at pairamdam ko ay nanalo din ako dahil lagi akong kasama tuwing may practice sila kahit minsan ay inaabot na din ng madaling araw. At dahil sa palagian kong pagsama sa practice ay naging malapit pa ako lalo sa mga ka-team ng aking pinakamamahal. Sobrang saya ng team dahil sa kanilang pagkapanalo kaya naman Congratulations sa kanila at supah worth it talaga ag mga hirap, puyat at pagod.
Mga alas tres na ng madaling araw noong umalis kami sa venue ng party at tumuloy agad kami sa Traders Hotel para doon magpahinga ang buong team. Pero hindi rin naman nakapag-pahinga dahil itinuloy pa doon ang inuman at kwentuhan.
Alas sais na ng umaga ng mapagpasyahan namin ng aking pinakamamahal na umalis na sa hotel at umuwi na lang sa kanila at doon na lang magpahinga.Bandang alas singko na na ng hapon noong magising kami at nagkasundo kaming manood ng sine sa Glorietta.
Kakatapos pa lang namin noong nag-ayos para makaalis na sa kanila at pupunta na dapat sa Glorietta ng biglang dumating ang mga kabarkada ng aking pinakamamahal sa bahay nila at niyaya kaming pumunta sa birthday ng isa pa nilang kaibigan at pinsan ng pinakamamahal ko.
Sa birthday party ay kumain, nagtawanan, kumain, nagkwentuhan, nagtawan, nagkulitan, at nagtawanan pa uli ng hindi mabilang na beses. Masaya at nakakaaliw talaga silang kasama.
Pagkatapos ng birthday ay pumunta na kami sa Glorietta para matuloy na ang kanina ay naudlot na plano namin na manood ng sine. Pagdating sa Glorietta ay bumili agad kami ng ticket. Dapat ay Enchanted ang papanoorin namin pero noong nakita naming palabas pa ang The Golden Compass ay nagkasundo kaming yun na lang ang panoorin.
Habang nag-aantay na magpapasok ang bantay sa sinehan para sa susunod na screening ng pelikula ay naglaro muna kami sa timezone para magpalipas ng oras hanggang sa dumating na nga ang oras para pumila sa susunod na screening.
Maganda ang Golden Compass. Madami kang makikitang nagsasalitang hayop, mga snow bears na nagsasapakan, mga witch na nagpapadilim bigla ng kalangitan dahil sa paglipad nila ng sabay sabay, at marami pang iba. Nakakabitin nga lang ang ending kasi itutuloy pa ata sa sequel. Kelan naman kaya ipapalabas yun? Mag-aantay na naman para malaman ang kasunod ng istorya. Panoorin niyo na lang ang pelikulang ito para malaman niyo kung bakit ito kinokontra ng simbahan.
Sa pagtatapos ng pelikula ay doon na din nagtapos ang isa na namang masayang weekend. Isang weekend na talaga namang hindi makakalimutan. Hanggang sa susunod uli na masayang weekend!