Jan 19, 8:45 pm, kasalukuyan akong nasa Trinoma ng biglang tumunog ang cellphone ko. Binuksan ko at binasa ang text.
Gcel: Musta ka na? Do you still remember Jon? The guy from the first batch of our team? He died this morning. He committed suicide. Please pray for his soul.
Panandalian akong natigilan. Nagulat sa mensahe ng isang kaibigan. Hindi ako nakasagot agad sa text dala marahil ng gulat dahil sa masamang balita.
Ako: What?! Why did he committed suicide?
Naghintay ako ng sagot pero hindi na sumagot si Gcel. Napaisip ako, paanong ang isang kagaya ni Jon na kilala kong matapang na tao ay magagawa ang bagay na kagaya nun? Ano ang nagtulak sa kanya para humantong sa desisyon na ganun? Bakit niya nagawa yun?
Patuloy ang mga tanong sa aking isipan ng panahong yun. Mga tanong na inasahan kong masasagot pag nag-reply si Gcel pero hindi na nangyari. Hindi na ako nag-abalang mag-text at magtanong ngunit hindi pa rin natigil ang mga katanungan sa isip ko kung bakit nagawa ni Jon na wakasan ang buhay niya.
+++
Hanggang saan ang tapang mo? Hanggang saan mo kayang lumaban sa lahat ng hamon sa yo? Matapang ka ba talaga o itinatago mo lang ang kahinaan ng loob mo sa tapang ng panlabas mong itsura? Susuko ka ba o patuloy na lalaban sa mga hamon ng buhay gaano man ito kabigat?
Lahat tayo may iba’t ibang pinagdadaanan sa mundong ito. Lahat tayo may pinagdadaanan na susubok sa ating lakas. tibay ng loob at paniniwala sa sarili. Mga pagsubok na kung saan minsan ay nagdudulot ng matinding kahinaan para ipagpatuloy ang laban ng buhay. Pero ang kahinaang ito ay hindi dapat maging dahilan para sumuko dahil kahit kailan hindi naging sukatan ng tapang ang pagsuko at hindi sapat na dahilan ang kahinaan para hindi ipagpatuloy ang laban sa kahit anong bagay, kundi dapat ito ay magbigay ng determinasyon para patunayan ang ating sarili na lampasan ang mga pagsubok na ito.
Kagaya ko, alam ko na mayroon ka na ding pinagdaanan na matinding hamon na sumubok sa tunay mong lakas at kakayahan. Aminado ako na minsan dumating sa buhay ko ang isang pagkakataon na akala ko ay hindi ko kayang lampasan ang mga pagsubok. Pagkakataon na kung saan inisip ko na ding huminto at tumigil sa paglaban sa mga hamon.
Ninais ko ding huminto… tumigil… sumuko… pero hindi ko ginawa.
Nakakapagod din minsan ang lumaban lalo na kapag sugatan ka na dahil sa mga matitinding pinagdadaanan mo. Pero kung iisiping mabuti, pag napagtagumpayan ang hamon na hinaharap ay nagiging matapang ka at mas nagiging malakas. Ito ang dahilan kung bakit sa kahit anong hamon ng buhay ay hindi ako sumuko sa paglaban.
Sa lahat ng napagdaanan ko, natutunan ko na ang mga hamon sa buhay ay hindi dumarating para pasukuin tayo. Ang mga hamon na ito ay nariyan para gawin tayong mas matapang na manlalaban sa buhay at hubugin tayo bilang isang malakas at matibay na nilalang.
Sa lahat ng hamon ng buhay na napagtatagumpayan natin, tayo ay mas higit na natututo, mas higit tayong nagiging malakas, sa paglampas natin sa bawat hamon ay nagiging ibang tao tayo. Nagiging iba tayo dahil mas higit na nagiging malakas tayo kaysa dati at hindi natin malalaman kung hanggang saan ang ating kakayahang lumaban hanggang hindi natin natatapos at napagtatagumpayan ang mga pagsubok na kinakaharap natin.
Sa totoo lang wala naman talagang hamon sa buhay na hindi natin kayang lampasan. Oo, minsan gusto nating takbuhan ang mga hamon na ito pero ang katotohanan ay hindi matatapos ang pagtakbo natin mula sa isang hamon hanggat hindi natin ito napagtatagumpayan. Marahil ang nagiging dahilan ng mga taong sumusuko sa mga hamon ng buhay ay ang reyalidad na hindi nila kayang harapin ang mga pagsubok na ito kaya sila tumatakbo ngunit ang mga hamon ay bahagi ng reyalidad ng buhay na hindi kayang takbuhan ng kahit sino kaya siguro sila humahantong sa desisyon na iwanan ang reyalidad at tapusin ang buhay nila.
Hanggat nabubuhay tayo ay hindi mawawala ang mga pagsubok na kakaharapin natin. Hanggat humihinga tayo ay hindi mawawala ang mga halimaw ng buhay na dapat nating talunin. Ang mga hamon ay hindi mawawala hanggat tayo ay nabubuhay. Ang mga hamon na dumarating at darating sa buhay natin ay mga pagsubok na dapat nating lampasan at hindi dapat takbuhan dahil walang mahirap na hamon sa isang tao na determinadong ipagpatuloy ang buhay.
Ang buhay ay isang napakagandang biyaya at oportunidad para ito ay wakasan lamang dahil sa kahinaan sa pagharap sa hamon dahil ang isang taong pinahahalagahan ang biyaya at opurtunidad na ito ay hindi kailanman mapapasuko ng kahit anong pagsubok.
+++
Si Jon, ang pagkakakilala ko sa kanya noon ay isa siyang tipo ng tao na hindi kayang talunin dahil siya ay may angas na hindi kayang tapatan ng kahit sino sa amin noon. Siya ay palatawa at mahilig magpatawa. Madalas nga lang parang laging mainit ang ulo niya at wala sa mood at pag galit siya lahat ay kaya niyang banggain. Kilala ko siya bilang isang tao na may paninidigan at prinsipyo. Siya yung tipo ng tao na pwede mong takbuhan pag may problema ka.
Kung ano man ang naging dahilan ni Jon kung bakit niya tinapos ang buhay niya ay hindi ko pa rin alam hanggang sa ngayon.
Sigurado ako na sa pagkawala ni Jon ay maraming katanungan ang naiwan sa isipan ng mga taong nakapaligid sa kanya, higit pa sa mga katanungan na pumasok sa utak ko noong nabalitaan ang nangyari sa kanya. Mga katanungan na mananatiling bahagi ng reyalidad ng buhay, reyalidad na pilit tinakasan ni Jon.
"Only as a warrior can one withstand the path of knowledge. A warrior cannot complain or regret anything. His life is an endless challenge, and challenges cannot possibly be good or bad. Challenges are simply challenges."
naniniwala ako sa mga ganyang sitwasyon dahil itoy akin na ding naranasan .kaya minsan naisip ko ng sumuko ngunit naging kakambal ko ang panginoon upang patatagin ang loob at makayanan at malampasan ito …..
Posted by mary christine balagtas at July 3, 2008, 5:20 pmTY! Nice Story, like in my mind sometimes
Posted by Kathleen at August 3, 2008, 7:04 amAll comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.
nice ah.ok tong blog mo. HAnggang san tapang mo…tc
Posted by pauline at February 2, 2008, 1:39 pm