“I do my thing and you do yours. I am not in this world to live up to your expectations, and you are not in this world to live up to mine. You are you and I am I..." (Frederick Perls)


Home » Archives » 10. March 2008

Hangover

Monday, March 10, 2008

Kakagising ko lang mula sa isang maganda at mahabang pagkakatulog. Nitong nakaraang weekend halos kulang kulang apat na oras lang tulog ko sa dalawang araw na magkasunod dahil dalawang gabi din akong nakipag-inuman sa mga kaibigan.

Friday night, pumunta akong shangrila para makipagtagpo sa mga kaibigan. Andun na sila habang inaantay akong dumating. Sabi ko baka hindi ako makasunod agad kasi magbabayad pa ako ng bill at inantay naman nila ako. Pagdating ko sa lugar na pinagiinuman nila binigyan agad ako ng beer. Ng maubos ko ito nadagdagan pa ito ng isa pang bote at ng isa pa. Nakatatlong bote din ako. Hindi pa ako lasing. Ok pa naman ako. Hindi naman talaga ako nalalasing sa tatlong bote ng san mig light kaya parang medyo bitin pa. hehe

Inaya ako ng isang kaibigan na ituloy na lang namin ang inuman namin  sa kanila, sumama naman ako. Sa bahay nila uminom pa kami hanggang sa alas tres ng umaga. Red Horse naman ininom namin. Dun na ko natulog sa kanila. Pagsikat ng araw gising na ako, kailangan ko ng umuwi kasi birthday ng utol ko at kailangan ko pang bumili ng ipinangako ko sa kanyang cake.  Sabi ko, sa bahay ko na lang itutuloy ang tulog ko.

Pag-uwi ko hindi rin ako nakatulog, sa halip humarap na lang ako sa computer, naglibot sa blog, nanood ng mga pelikula at nag-surf ng kung anu ano.  Paminsan minsan nakakaidlip ng hindi tumatagal ng sampung minuto.

Saturday nga pala, may mahalagang pagtitipon na naman ang tropa. Mahalaga ito kasi magiinuman kami. Mahalaga ang alak hindi ito dapat palampasin. Sayang e. Umalis ako ng bahay kahit birthday ng utol ko, tutal gabi naman na tsaka hindi naman ako aayain nito makipaginuman at isa pa tapos na rin naman ang handaan. hehe  

Nagkita kita ang tropa. Buong gabi inuman, kwentuhan, inuman, tawanan, inuman, asaran, inuman, kwentuhan inuman, inuman, inuman…

Magdamag na ganun. Pakiramdam ko nung mga oras na yun napalitan na ng Red Horse ang dugo na dumadaloy sa katawan ko.  Nagdodoble na paningin ko. Hindi ko na kaya. Buti naubos na lahat ng alak sa lamesang pinagiinuman namin bago pa man ako umayaw at sumuko. 

Kahapon, tanghali na ng makauwi ako. Maghapon na masakit ang ulo ko, pakiramdam ko lumulutang ang buo kong katawan.  Nahihilo pa rin ako dahil sa magdamag na inuman sa gabing lumipas. Gusto kong matulog, gusto  ng matulog na katawan ko paghiga ko sa kama, pero ayaw akong patulugin ng utak ko.  Hinayaan ko lang na ganun, naghanap na lang ako ng kung anong mapaglilibangan dito sa bahay. Gabi na ng sumang-ayon sa isa’t isa ang katawan at utak ko at pinatulog na din ako. Mas maaga kesa sa nakasanayan kong oras ng pagtulog.

Kailangan ko yun. Kailangan ko ng mahabang tulog para mawala ang hangover ko. Mahigit 12 hours din akong tulog. Paggising ko kanina, ok na ok na ako. Nawala na ang hangover ko. Salamat naman.

xXx 

Noong sabado, bago ako nakipaginuman sa tropa, lumabas muna kami ng aking pinakamamahal. Nagpasya kaming magmall muna. Sa hindi inaasahang pagkakataon nasalubong namin ang ex ko. Ang awkward talaga ng pakiramdam na ganun.It feels really awkward para sa akin yung mga tagpong ganun. The past meets the present ang drama. 

Naglalakad kami ng aking pinakamamahal ng may pamilyar na mukha na papasalubong sa amin. Ex ko pla yun. Nakatitig sa akin, sa amin.Mag-isa lang siya habang naglalakad. Nag-hello siya sabay ngumiti. Nag-hello din ako at gumanti ng ngiti. Ganun lang ka-casual ang tagpong yun. Nagkasalubong, naghello at nagngitian sa isa’t isa sabay patuloy ng lakad palayo sa isa’t isa.

Sa aksidenteng pagsasalubong na yun, nagkaroon ng pagkakataon na nagkatinginan kami sa mata ng isa’t isa. May nakita ako sa mga mata niya na hindi ko kayang ipaliwanag. At dahil dun hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng lungkot.

Di ba nakakalungkot naman talaga pag yung isang tao na kasama mo dati ay makikita ka niya kasama ang tao sa iyong kasalukuyan? Isipin mo ito, magisa ka nakasalubong mo ang ex mo kasama ang taong mahal niya ngayon, ano ang mararamdaman mo? O kaya baliktarin natin ang pangyayari, kasama mo ang taong mahal mo ngayon at bigla mong nakasalubong yung taong mahal mo dati na siya lang mag-isa, ano kayang mararamdaman mo? Makakaramdam ka din kaya ng lungkot kagaya ng naramdaman ko ng nasalubong namin siya? 

Balita ko mula sa isang kaibigan, single pa rin siya hanggang ngayon, mula nung nagkahiwalay kami.

Posible kayang  hanggang ngayon ay may hangover pa rin ako sa ex ko kaya nagawa kong malungkot ng masalubong namin siyang mag-isa?

xXx

 Ang alak pag nasosobrahan, panigurado may hangover ka kinabukasan, lalo na kung hindi ka pa nakakabawi na tulog. Masakit sa ulo, nakakahilo.

Ang relasyon pag nawala na nagkakaron ka rin na hangover. Umiiyak ka, nalulungkot ka, masakit sa puso. Tumatagal yun hanggang sa humilom na uli ang sugat sa puso mo.

Ang alak parang pagmamahal din yan. Ang alak alam mong malalasing ka pag nasobrahan, alam mong mahihilo ka, maaring masuka, pasasakitin nito ang ulo mo pero patuloy ka pa ring umiinom at umuulit na uminom ng alak. Bakit? Kasi masarap e. Pag nagmahal ka, walang kasiguraduhan na hindi ka masasaktan, walang kasiguraduhan na hindi mawawala yung taong mahal mo. Maari kang masaktan at umiyak dahil sa pagmamahal pero patuloy pa rin tayong nagmamahal kasi masarap sa pakiramdam ang magmahal at mahalin.

Pagkatapos ng inuman masakit ang ulo, pagkatapos ng relasyon masakit sa puso. Pareho mong kinakailangan ng pahinga, ng sapat na pahinga para makabawi uli ng lakas.

Gaya ko, ng magkahiwalay kami ng ex ko, durog na durog ang puso ko nun. May mga panahon nun na gusto ko na lang matulog ng mahaba para mawala siya sa isip ko, pero ayaw akong patulugin ng utak ko sa kakaisip sa kanya. Madami akong pinagdaanan nun, ilang beses umiyak dahil sa pagkakahiwaly namin, pero hinayaan ko na lang na ganun hanggang sa naging ok na ako, nakabawi na ng lakas ang puso ko, unti unting nawala ang hangover ko sa break-up namin at hanggang sa muling naging handa uli ang puso ko para sa bagong pag-ibig.

Ang alak masama sa katawan pag nasobrahan, ang pagmamahal masama sa puso pag nasaktan ito pero patuloy pa rin nating itong ginagawa. Bakit? Kasi sobrang sarap sa pakiramdam paggising natin kinabukasan na wala na ang hangover natin.

 
 
 
     
Posted by ihidemyself at 10:06 am | permalink | comments[15]